Pinag-aaralan na ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga tiwaling opisyal ng ahensya.
Ayon sa pamunuan ng LTFRB, halos tapos na ang kanilang pag-iikot sa mga regional offices at dito natuklasan na aabot sa hanggang 100,000 ang lagayan para makakuha ng prangkisa.
Ang iba nagbayad na, subalit peke ang franchise na ibinibigay.
Naging sistema din sa regional offices ang ‘ok for filing scheme’ kung saan unang napupunta sa regional director ang aplikasyon at kung hindi nito pipirmahan ang ‘ok for filing form’ hindi gagalaw ang dokumento.
Taliwas ito sa normal na proseso kung saan ang regional director ang huling hahawak ng aplikasyon para aprubahan o hindi.
Iniimbestigahan na sa ngayon ang ilang dati at kasalukuyang regional director ng LTFRB.
Kabilang dito ang mga nagretirong director ng Regions 5, 10 at 6, ang nag resign na direktor ng Region 11 at ang direktor ng Region 8 na sinuspinde ng Ombudsman dahil na din sa anomalya.
Samantala balak namang magpatupad ng cash less transaction ang LTFRB upang malabanan ang korapsyon sa ahensya.
Sa ngayon isang kumpanya na ang nagbabalangkas na ng libre ng sistemang susubukan ng ahensya pangunahin sa central office nito.
Kung magiging matagumpay ipapatupad ito sa buong bansa.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)