Mga tindahan ng ensaymada, donut, apektado na ng kakulangan ng raw materials                                                                    

by Radyo La Verdad | May 28, 2022 (Saturday) | 9217

Ilang tindahan ang nag-abiso na kinakapos na sila ng supply ng raw materials kaya naman apektado ang paggawa nila ng produkto tulad ng ensaymada at donut.

Sa abiso ng isang kilalang restaurant sa kanilang Facebook page, sinabi nito na mahihirapan ang kanilang mga customer na maka-avail ng kanilang signature ensaymada dahil umano sa global shortage ng ilang raw materials.

Sinabi rin nito na umaasa sila na mareresolba agad ang issue bagama’t wala ito sa kanilang control.

Maging ang isang sikat na tindahan ng donut sa Bonifacio Global City, ihihinto muna pansamantala ang pagtitinda dahil rin sa problema sa suplay ng harina. Gayunman nag abiso sa kanilang mga customer na hintayin ang kanilang anunsyo kung kaylan sila muling magbubukas.

Batay sa pagtaya ng isang agriculture group, posibleng makaranas ng food shortage sa bansa sa katapusan ng taon.

Ayon kay Danilo Fausto, presidente ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated maraming bansa ang tumigil ng page-export ng wheat sa Pilipinas bunsod pa rin ng nararansang krisis sa pagitan ng Russia at Ukraine, dahil dito, mayroon itong domino effect sa iba pang supply na nakakaapekto sa produksyon ng tinapay, noodles, at maging sa animal feeds.

Ang Department of Agriculture, nauna nang kinunpirma ang global shortage ng uri ng patatas na ginagamit sa french fries o ang chipping potato dahil umano sa issue ng production nito sa global market, kaya naman ilang linggo nang nararanasan ng mga retailer at distributor maging ng mga restaurant ang hirap sa paghahanap ng supply ng french fries

Ayon sa Department of Agriculture (DA) , bagaman may ilang magsasaka ang nagtatanim ng chipping potato sa bansa, hindi nito masasapatan ang demand.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,