Mga testigo sa amparo petition ni Lowell Menorca, sumalang sa cross examination sa pagdinig ng Court of Appeals

by Radyo La Verdad | November 12, 2015 (Thursday) | 4576

ATTY-TRIXIE-ANGELES
Ipinagpatuloy ng Court of Appeals, 7th Division ang pagdinig sa amparo petition na isinampa ng kapatid at hipag ng dating ministro na si Lowell Menorca laban sa ilang matataas na opisyal ng Iglesia ni Cristo.

Apat na mga testigo ang humarap sa pagdinig kanina bilang suporta sa hiling ng mga petitioner na gawing permanente ang writ of amparo na inisyu para sa pamilya ni Menorca.

Unang sumalang sa cross examination ang asawa nito na si Jinky Otsuka.

Sa pagtatanong ng mga abogado ng mga respondents, sinabi ni Jinky na tumutuloy sila sa isang dalawang palapag na apartment sa loob ng compound ng Iglesia ni Cristo.

Lagi umanong may nakabantay na mga security guard sa kanila.

Sinang ayunan ito ng yaya ng kanilang anak na si Abegail Yanson.

Sa pagtatanong ng mga abogado ng mga respondent, sinabi ni Yanson na bagamat nakakadalo sila sa kanilang mga pagsamba, at nakalalabas ng compound lagi umanong may nakabantay na gwardiya sa kanila.

Kwento ni Yanson sa korte, inuutusan umano ang mga gwardiya upang bantayan siya dahil baka may kumuha sa kanya ngunit hindi niya umano alam kung sino ang tinutukoy nito.

Sinabi pa nito na kusa siyang sumama sa pamilya ni Menorca patungong INC Compound mula sa Bulan, Sorsogon.

Nang dalawin umano siya ng kaniyang mga magulang ay nais sana niyang sumama pauwi ng Sorsogon ngunit pinigilan umano siya ng dalawang ministro.

Sa cross examination naman sa kapatid ni Menorca na si Anthony, sinabi nito na dalawang matataas na ministro ng INC ang nagpunta sa kanilang bahay at sinabing sila ang nagpakuha kay Lowell Menorca sa Sorsogon.

Sinabi naman ng abugado ng respondent na tila magkakontra ang pahayag nina Jinky at kapatid na si Jungko Otsuka tungkol sa petsa ng pagdalaw nito sa kanila sa loob ng INC Compound.

Ngunit ayon sa kanilang abogado, hindi naman kailangang perpekto ang bawat sasabihin ng isang testigo.

“Testimony is not 100% fool-proof. They’re subject to certain things like memory, human factors, environmental factors etc. So it is far more suspicious to have an air tight testimony that there is to have one that has occasional errors.” Pahayag ni Atty. Trixie Angeles, abogado ng mga petitioner

Bago naman ang pagdinig ngayon myerkules, pinagmulta ng korte ng dalawang libong piso ang mga abogado ng mga petitioner dahil nahuli sila sa pagpapasa ng judicial affidavit ng kanilang mga testigo.

Hindi pa naipepresenta sa korte ang testimonay ni Lowell Menorca dahil kanina lamang ito naisumite ng kanilang abogado.

Umaabot sa mahigit limangpung pahina ang salaysay ni Menorca kayat humingi ng panahon ang abogado ng mga respondent upang mabasa ang nilalaman nito.

Hindi naman ito tinutulan ng mga petitioner kaya’t itinakda ng korte ang susunod na pagdinig sa December 1, araw ng martes. (Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , , ,