Mga tenant sa nasunog na Zamboanga City Public Market, umaapelang makabalik sa kanilang mga pwesto

by Radyo La Verdad | November 13, 2015 (Friday) | 1275

DANTE_TENANT
Nais ng mga biktima ng sunog sa isang public market sa Magay area sa Zamboanga na muling makabalik sa dati nilang pwesto.

Matandaang, mahigit dalawandaang stall ang natupok ng apoy noong October 30 sa naganap na sunog sa Magay Public Market.

Labinlima rin ang namatay at mahigit walong milyong halaga ng ari-arian ang nasunog.

Nakapagsagawa na ng clearing operation sa lugar matapos ang inspection ng mga taga BFP-Manila na pinadala ng DILG Central Office para sa kanilang sariling imbestigasyon sa insidente.

Apela ng mga biktima sa pamahalaan na madaliin ang muling pagpapatayo ng nasunog na public market upang muli silang makapagtinda doon na siyang tangi umano nilang pinagkakakitaan.

Sa ngayon ay pansamantalang binigyan sila ng pwesto sa Santa Cruz Public Market ngunit ang problema wala na anila silang pamuhunan.

Ngunit ayon naman sa pamahalaang panlunsod ng Zamboanga kailangang pang matapos muna ang ginagawang imbestigasyon kung sino ang mga dapat managot bago magkaroon ng makapagsimula ng konstruksyon doon.

Sa ngayon mga tauhan ng Philippine Marines ang nagbabantay sa loob ng nasunog public market upang walang makapasok sa lugar.

Inalis na rin ang dating supervisor ng nasunog na public market at sinabi ng pamahalaang lokal na managot ang mga dapat managot maging empleyado man ito ng lungsod.(Dante Amento/UNTV Correspondent)

Tags: ,