Mga Telecommunications Company, inatasan ng NTC na bigyang babala ang mga customer nito hinggil sa text scam

by Radyo La Verdad | September 9, 2015 (Wednesday) | 1222

TEXT SCAMS
Simula kahapon hanggang September 22 ay kailangang makapagpadala ng text blast at impormasyon ang lahat ng Telco na nagbababala sa mga customer nito hinggil sa mga kumakalat na text scam.

Libre itong ipapadala ng mga Telco sa 115 milyong subscriber sa buong bansa.

Inatasan rin ang mga Telco na i-post rin sa mga social networking site ang babala upang mas marami ang makaalam.

Ayon sa National Telecommunication Commission mayroong tatlong uri ng text scam.

Ang isa rito ay ang tinatawag na “panalo sa raffle” text scam.

Ito ay mga text scam kung saan sinasabi na ikaw ay nanalo sa raffle at hinihikayat kang mag reply sa mga message nang sang-ayon ay maibigay mo ang personal na impormasyon at magpadala ng load kung kinakailangan.

Isa pang uri ay ang “kamag-anak/kaibigan-paload” text scam.

Ito ay nanggagaling muli sa mga 11-digit prepaid number kung saan ang mga nagpapadala ay nagpapanggap na kamag-anak o kaibigan.

Isa pang halimbawa ay ang “pasa/nakaw-load” text scam.

Ito ay scam na hindi mo namamalayan na nakakapag send ka na pala ng load, gaya ng pasaload sa smart, share-a-load sa globe at give-a-load sa sun.

Aminado ang ntc na hindi madaling mahuli ang mga text scammer dahil walang pagkakakilanlan sa mga ito.

Ang maaaring gawin ng mga nakakatanggap ng text scam, ipakita sa NTC ang ang text upang agad na maipa-block ang numero ng scammer.

Bukod dito, nagpapadala na rin ng load confirmation prompt ang mga Telco bago magpadala ng load ang subscriber sa isang numero.

Ang isang pinaka epektibong solusyon na gagawin ng NTC ay ang isulong ang sim card registration na sa ngayon ay sinusuportahan na ng isang House at Senate Bill. (Mon Jocson / UNTV News)