Unang araw ng meter recalibration, dinagsa ng mga taxi driver

by Radyo La Verdad | August 1, 2018 (Wednesday) | 10625

Nasa limampung mga taxi unit ang maagang dumating kahapon sa bakanteng lote sa tabi ng Park and Fly sa Parañaque City upang sumailalim sa calibration at resealing na isinagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Kaugnay ito ng inaprubahang dagdag-singil sa pasahe ng mga taxi.

Sa ilalim ng bagong fare matrix, mananatili sa 40 piso ang flagdown rate. Dagdag rito ang P13.50 na singil para sa susunod pang kilometro at P2 per minute travel time charge.

Halimbawa kung bumiyahe ang taxi na may tatlong kilometro ang layo at tumagal ito ng 5 minuto, aabot ang babayarang pamasahe sa P90.50.

Kahapon isa-isang sinuri ng LTFRB ang metro ng mga taxi. Kapag nakitang depektibo, hindi muna kina-calibrate ng LTFRB ang metro at sa halip ay ibabalik ito sa operator upang ipaayos muna.

Kung maayos na gumagana ang metro at nai-progama na ang bagong pasahe, tatalian ito ng LTFRB saka lalagayan ng gold seal. Mayroon ring ikinakabit na yellow sticker sa harapan ng taxi na katunayang dumaan ito sa calibration at resealing.

Paliwanag ng LTFRB, tanging ang mga nacalibrate at nareseal na taxi lamang ang maari nang maningil ng bagong pasahe.

Ang lahat ng mga magpapacalibrate ay kinakailangang mag fill-out ng calibration form, magpasa ng mga kaukulang dokumento at dapat na dumaan sa evaluation ng LTFRB. Nagkakahalaga ng P510 ang bayad sa calibration at resealing ng metro.

Kinakailangan rin na mayroon nang CCTV, GPS, dash cam at app-based na rin ang mga ika-calibrate na taxi.

Kung wala pa ang mga ito, bibigyang ng dalawang buwang palugit ng LTFRB ang mga operator matapos ang calibration upang makasunod sa mga hinihinging upgrade.

Sinikap naman ng ilang taxi driver na maagang magpa-calibrate upang maipatupad na ang bagong pasahe at tiniyak na iiwasan na ang panghihingi ng dagdag sa mga pasahero.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,