Mga tauhan ng militar, tiwalang maibabalik ang kontribusyon kahit abolished na ang Retirement and Separation Benefit System

by Radyo La Verdad | April 21, 2016 (Thursday) | 1648

GRACE_LEGASPI
Sari-sari ang reaksyon ng mga sundalo sa pagpapatigil sa Retirement and Separation Benefit System.

Ganun pa man, ayon sa tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na si Brigadier General Restituto Padilla Jr., umaasa silang maibabalik sa kanila ang kanilang kontribusyon at ganun din ang obligasyon ng pamahalaang pensyon sa bawat magreretirong sundalo.

Tuluyan nang pinatigil Malakanyang ang pangongolekta sa mga sundalo ng 5% mula sa kanilang buwanang sahod para sa kanilang retirement separation.

Sa Memoradum Order Number 90 na inilabas nitong April 11 ipinagutos ng Malakanyang ang tuluyang pag-abolish sa AFP-Retirement and Separation Benefits System.

Paliwanag ni RSBS President and CEO Norman Legaspi, lahat ng kinolekta sa mga sundalo mula ng sila ay magserbisyo sa bansa hanggang noong April 8 ay ibabalik sa kanila kasama ang interes, oras na sila ay magretiro sa serbisyo.

Sa ngayon aniya nasa 15 billion-pesos ang kabuoang halaga ng pera na ibabalik sa mga magreretitong sundalo.

Wala naman aniyang dapat ipag-alala ang mga sundalo dahil hindi mawawala ang mga benepisyong kanilang matatangap.

Sa ngayon manggagaling parin sa General Appropriations Act o GAA ang mga pensyon at benepisyo para sa kanila.

Umaasa naman si Legaspi na matatapos ng dalawang kapulungan ng kongreso ang batas para sa mas pinalawak na pagbibigay ng pensiyon sa mga retiradong sundalong naglingkod sa bayan.

Una nang ipinagutos noong 2006 ang pag-abolish sa AFP-RSBS subalit hindi ito naisakatuparan.

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: ,