METRO MANILA – Magsisimula na sa August 28 ang filing ng Certificates of Candidacy (COC) para sa mga nais kumandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na idaraos sa October 30.
Tatagal ang paghahain ng COCs hanggang September 2. Ngunit paalala ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, simula September 3 hanggang October 18 ay bawal pang mangampanya.
Sinomang lalabag dito ay maaaring madiskwalipika sa pagtakbo.
Batay sa calendar of activities ng Comelec, maaari lamang mangampanya at magkabit ng campaign materials mula October 19-28, 2023.
Samantala, bukas (August 22, 2023) ay inaasahang ilalabas ng Comelec ang mga panuntunan hinggil sa paghahain ng kandidatura o COC sa 10 barangay na dating sakop ng Makati City subalit batay sa desisyon ng Korte Suprema ay nasa hurisdiksyon ng Taguig.
Dagdag pa ni Garcia, partikular na lalamanin ng rules ay kung saan ang venue ng COC filing.
Samantala, naging matagumpay ang simulation ng mall voting noong Sabado (August 19) na isinagawa ng Comelec.
Positibo ang komisyon na mas marami ang makukumbinsing sumali sa halalan dahil maalwan ang pagboto sa mga mall.
(Dante Amento | UNTV News)