Mga taga suporta ni Senator Grace Poe, nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng Comelec

by Radyo La Verdad | December 3, 2015 (Thursday) | 1448

POE-SUPPORTERS
Nagtipon tipon sa tapat ng Palacio del Gobernador ang mga taga suporta ni Senator Grace Poe bilang protesta sa desisyon ng Comelec na nagdidiskwalipika sa mambabatas sa pagtakbong pangulo sa eleksiyon sa susunod na taon.

Pinaboran ng 2nd Division ng Comelec ang petisyon ni Attorney Estrella Elamparo na kanselahin ang certificate of candidacy ni Poe dahil hindi ito nakatugon sa 10 year residency requirement ng tatakbong pangulo.

Ngunit tutol ang grupo sa desisyong ito ng 2nd Division ng poll body dahil may 2005 pa anila ay nasa Pilipinas na si Poe.

Nakatakdang magsumite ng motion for reconsideration ang kampo ni Poe sa Comelec en banc.

Umaasa rinang mga taga suporta ni poe na magbabago ang pasya ng komisyon at papayagan nang makatakbo ang senadora.

Sa December 15 target ng Comelec na makapaglabas ng official list of candidates.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, kapag nailabas na ang opisyal na listahan hindi na ito maaring madagdagan pa.

Ngunit paliwanag ng Comelec hangga’t hindi pa pinal na nareresolba ang disqualification case ng isang kandidato mailalagay pa rin sa balota ang pangalan nito.

Subalit isang mosyon naman ang isinumite ni Atty. Elamparo sa Comelec na humihiling na matanggal sa balota ang pangalan ni Senator Poe.

Bukod sa petisyon ni Attorney Elamparo, may tatlo pang petisyon laban sa kandidatura ni Poe sa pagkapangulo ang dinidinig naman ng Comelec 1st Division.

Ito ay ang petition for disqualification ni dating Senador Kit Tatad at ang petitions to deny due course or cancel COC na isinumite nina Professor Antonio Contreras at Dean Amado Valdez.

Ngayon myerkules naghain na ng kanilang memorandum at offer of evidence ang kampo ni dating Senador Kit Tatad.

Binigyan hanggang December 3 ang bawat partido upang magsumite ng kanilang morandum at pagkatapos ay submitted for resolution na ang mga kaso. (Victor Cosare/UNTV News)

Tags: ,