Mga taga-probinsiya, muling nanguna sa bar exams; 1,724 nakapasa

by Radyo La Verdad | April 27, 2018 (Friday) | 5559

Inanunsiyo na ng Korte Suprema ang resulta ng 2017 bar exams na ginanap sa Maynila noong Nobyembre.

1,724 lamang sa halos pitong libong examinees ang nakapasa, katumbas ng 25.5% o isa sa bawat apat na kumuha ng pagsusulit. Sa ikalawang sunod na pagkakataon, mga taga probinsiya ang nanguna sa bar exams.

Topnotcher si Mark John Simondo ng University of St. La Salle – Bacolod City na nakakuha ng 91% na rating. Pumangalawa si Christianne Mae Balili ng University of San Carlos – Cebu na nakakuha ng 90.80 percent.

Pangatlo si Camille Remoroza ng Ateneo de Davao at pang-apat si Ivanne Hisoler ng University of San Carlos. Pasok din sa top 10 ang isa pang taga probinsiya na graduate ng St. Mary’s University sa Nueva Vizcaya.

Itinuturing na pinakamahirap na pagsusulit ang taunang bar exams na isinasagawa sa loob ng apat na linggo. Ito ang tanging licensure examination na hindi hawak ng Philippine Bar Exam (PRC).

Hindi lamang mga passer, kundi pati mga magulang ang naiyak sa kagalakan.

Naka-post na sa website ng Korte Suprema ang kumpletong listahan ng mga pumasa sa bar.

Isasagawa ang oath-taking ng mga bagong abogado sa ika-1 ng Hunyo, alas dos y media ng hapon sa PICC, Pasay City.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,