Mga taga-Laoag City, balik trabaho at negosyo matapos ang pananalasa ng Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 18, 2018 (Tuesday) | 1883

Kasama ang pamilya ni Aling Aurelia sa mahigit apat na libong pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Ompong sa Ilocos Norte. Nasira ang kanilang mga tanim na palay at gulay.

Pero sa kabila nito, ipinagpapasalamat pa rin nila sa Dios na ligtas ang kaniyang pamilya.

Kinailangan naman ni Nanay Esterlina na umangkat ng produkto sa ibang bayan para may maitinda at kumita. Nasira rin ng bagyo ang mga itinanim nilang pipino, ampalaya at palay. Nanawagan ito sa Pangulo ng tulong upang agad silang makabangon.

Ilan lamang sila sa libo-libong residente ng Ilocos Norte na muling nakabalik sa trabaho at pagnenegosyo matapos tumama ang malakas na bagyo.

Pipilitin muling makabangon ng lalawigan, lalo na’t inaasahan nila ang pagdating ng ayuda mula sa national government matapos ang pakikipagpulong sa kanila ng Pangulong Duterte noong linggo.

Ayon kay Governor Imee Marcos, sa ngayon ay pinaghahandaaan naman nila ang posibleng pananalasa ng habagat sa Ilocos Norte.

Aniya, hindi sila dapat pakampante lalo na’t malaking bahagi ng Ilocos Norte ay karagatan at agri land.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,