Mga suspek sa pagpaslang sa SAF 44, hindi pa rin nakakasuhan isang taon makalipas ang Mamasapano incident

by Radyo La Verdad | January 26, 2016 (Tuesday) | 2711

saf-44
Tila malabo pa rin hanggang sa ngayon ang pagkamit ng hustisya para sa mga napatay na tauhan ng PNP-SAF dahil isang taon makalipas ang insidente, wala pa ring nakakasuhan sa mga suspek.

April 16, 2015
Abril nakaraang taon nang magsumite ng kanilang report sa insidente ang DOJ-NBI Special Investigation Team kay Sec. Leila de Lima.

Dito, syamnapung miyembro ng MILF, BIFF at private armies ang inirekomenda ng NBI na sampahan ng reklamo ng prosekusyon dahil sa pagpatay sa tatlumput limang miyembro ng PNP-SAF sa maisan ng Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong January 25.

Isang testigo na itinago sa alyas “Marathon” na mismong nasa insidente ay kumilala sa mga nakasagupa ng PNP-SAF sa maisan ng Brgy. Tukanalipao.

Ipinagpatuloy ng DOJ atNBI ang imbestigasyon dahil wala pang nakukuhang testigo na makapagtuturo sa mga nakapatay sa siyam pang miyembro ng PNP-SAF malapit sa bahay ng teroristang si Marwan.

September 22, 2015
Anim na buwan pa ang lumipas bago nagpasya ang investigation team ng DOJ at NBI na sampahan na ng pormal na reklamo ang syamnapung suspek sa pagkamatay ng 35 tauhan ng PNP-SAF sa Brgy. Tukanalipao.

Kabilang sa mga ito ang labintatlong kumander ng MILF at anim na kumander ng BIFF.

Kasama rin sa mga inireklamo ang leader at tatlumput pitong tauhan ng private army ng mga Ampatuan na tinatawag na “massacre” dahil sangkot din umano ito sa Maguindanao massacre.

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong direct assault with murder at theft dahil sa sadyang pagpatay sa mga tauhan ng SF at pagnanakaw sa kanilang mga gamit.

October 8, 2015
Bago naman bumaba sa pwesto si Sec. De lima noong oktubre, inilabas ang ikalawang bahagi ng report ng NBI at DOJ sa imbestigasyon sa insidente.

Sa pamamagitan nito ay tinapos ng DOJ at NBI ang kanilang imbestigasyon sa insidente.

November 27, 2015
Nobyembre na nang simulan ng DOJ ang preliminary investigation sa mga kaso.

Apat lamang sa mahigit syamnapung respondents ang tumugon sa imbestigasyon ng DOJ.

Kabilang dito sina Pendatun Utek Makakua at Lakiman dawaling na umano’y mga kumander ng MILF.

Mariing itinanggi ng mga ito na may kinalaman sila sa pagpaslang mga tauhan ng SAF at konektado sila sa rebeldeng grupo.

December 17, 2015
Muling nabigo ang karamihan sa mga respondent sa sumipot sa pagdinig ng DOJ noong Disyembre.

Nitong nakaraang January 14, tuluyan nang isinara ng DOJ ang preliminary investigation sa mga reklamo.

Posibleng sa susunod na buwan ay maglabas na ng resolusyon ang DOJ panel dito malalaman kung may sapat nga bang batayan upang kasuhan sa korte ang mga respondent kaugnay ng madugong insidente sa Mamasapano.

(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: