Binay, muling nanguna sa latest survey ng SWS

by Radyo La Verdad | February 15, 2016 (Monday) | 4681

SWS-SURVEY
Muling nanguna si Vice President Jejomar Binay sa latest survey ng Social Weather Station na kinomisyon ng pahayagang Business World.

Nakakuha si Binay ng 29% ng 1,200 respondents na tinanong kung sino ang malamang na iboto kung isasagawa ang eleksyon ngayon.

Gayunman, kakaunti na lang ang lamang ni VP Binay kina Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kapwa may 24%.

Nasa ikatlong pwesto naman ang administration bet na si Mar Roxas na may 18% habang nakakuha naman ng 4% si Sen. Miriam Santiago.

Ayon sa kampo ni VP Binay, ang pinaka-accurate na survey ay ang mismong araw ng halalan.

Kaya naman bago ang May 9 ay sisikapin nilang maiparating ang kanyang programa at gagawing giya ang survey

Sinabi naman ng kampo ni Sen. Poe na gagamitin nila ang survey results bilang panuntunan sa kanilang susunod namga hakbang.

Patuloy ring ipararating ang mensahe na kandidato pa rin si poe sa pagka-presidente

Ayon naman sa kampo ni Duterte at Cayetano, ang latest SWS Survey ay nagpapakita ng epekto ng pagpasok ng campaign period

Binigyan diin din ng mga ito na ang naturang survey ay isinagawa sa kasagsagan ng isinampang disqualification case kay Duterte, na nadismiss na ng COMELEC

Kaugnay nito ay ipagpapatuloy ng kampo ang kampanya upang mailatag ang kanilang plataporma..

Naniniwala naman ang liberal party na magbabago pa ang mga datos dahil nagsisimula pa lamang ang kampanya.

Samantala, tabla na sa vice presidential race sina Senators Bong-Bong Marcos at Francis Escudero

Kapwa nakakuha si Marcos at Escudero ng 26%.

Sinundan ito ni Congresswoman Leni Robredo na may 19% at Sen. Alan peter Cayetano na may 16%.

Habang 6% naman ang nakuha ni Sen. Gregorio Honasan at 5% ang kay Sen. Antonio Trillanes IV

Ayon kay Marcos, inspirasyon ito sa kanilang upang paghusayin ang kanilang trabaho at ipursige ang kanilang plataporma sa bawat sulok ng bansa.

(Bryan de Paz/UNTV News)

Tags: , ,