Tinataya ng militar na higit tatlong libo pa ang nalalabing pwersa ng rebeldeng New People’s Army ngayon.
Isa ito sa pinakamatatagal na threat groups na umiiral sa bansa.
Kabilang din ito sa matagal nang suliranin ng pamahalaan kung saan bilyong pisong halaga ang ikinalulugi bunga ng mga naantalang development project at income opportunities sa mga probinsyang may impluwensya ng mga rebelde.
Bukod pa ito sa milyon-milyong pisong halagang ginagastos sa digmaan, pagpapagamot ng mga sundalong nasugatan sa labanan at tulong pinansyal sa mga naulilang pamilya ng mga militar na nagbuwis ng buhay upang labanan ang mga panggugulo at hulihin ang mga rebelde.
Sa pagsapit ng ika-47 anibersaryo ng NPA ngayon araw, hindi binabalewala ng militar ang nakagawian nang paglulunsad ng mga pag-atake ng mga rebelde at panununog ng mga ito ng equipment.
Binilinan din ang mga sundalong mag-uuwian sa kani-kanilang tahanan na magdoble-ingat sa posibleng npa ambush at harassment.
Base sa pinakahuling ulat ng hukbong katihan, noong 2015, dahil sa focused military operations, 595 rebeldeng CPP-NPA ang nahuli, sumuko o nasawi.
Ngayong 2016, isa sa pinagtutuunan ng hukbong sandatahang lakas ng pilipinas ang wakasan ang problema ng insurgency sa buong bansa lalo na sa Silangang Mindanao, Sulu at Basilan.
Higit sa tuloy-tuloy na combat security operations ng AFP, mas pinaiigting ng militar ang paghikayat sa mga rebeldeng grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at ibaba ang kanilang armas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng AFP ng civil miltary operations at development projects.
(Rosalie Coz/UNTV NEWS)
Tags: New People’s Army