Mga student inmates ng Manila City Jail, umaasang makakakuha ng trabaho sa kanilang paglaya

by Radyo La Verdad | June 7, 2018 (Thursday) | 3940

Mangiyak-ngiyak ang 71 anyos na si alyas Tatay Joel nang ikwento kung papaano siya napasok sa Manila City Jail nang mahulihan ng iligal na droga.

Third year high school ang tinapos ni Tatay Joel na may 7 anak at 24 na apo na nais pa rin niyang suportahan kahit siya’y nasa piitan.

Kaya naman nag-enroll si Tatay Joel sa Alternative Learning System (ALS) sa loob ng kulungan para makatapos ng high school at maipagpatuloy ang pangarap niyang makatulong sa pamilya.

Iligal na droga rin ang dahilan kung bakit nasa Manila City Jail si Tatay Boks na isa ring student inmate na nais namang maging welder sakaling siya’y makakalaya pa.

Tinatayang nasa 15 libong persons deprived of liberty o mga nakulong sa piitan ang nag-enroll sa ALS na programa ng Department of Education (DepEd) ngayong taon.

Higit limang libo ang nagparehistro sa elementarya, habang halos 10 libo naman ang papasok sa sekondarya.

Walang pinipiling edad at lahat ng mga nakaditene ay hinihikayat na mag-enroll basta’t hindi pa nahahatulan ng korte ang kanilang kaso.

Hindi pa umano huli ang lahat para sa mga detainees na gaya nina Tatay Boks at Tatay Joel na naniniwalang ang edukasyon ang susi ng kanilang tagumpay sa buhay.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,