Mga smuggled na gamot galing China, nasabat sa isang joint operation ng BOC

by Erika Endraca | January 19, 2021 (Tuesday) | 12412

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawa nitong joint operation ang mga gamot galing China sa isang storage facility sa Pasay City noong Huwebes, January 14, 2021.

Sa bisa ng Letter of Authority, ang mga tauhan ng BOC kasama ang ilan pang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Coast Guard (PCG), Manila International Container Port’s (MICP) Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), at Enforcement and Security Service (ESS) ay kaagad na siniyasat ang naturang storage facility na kalaunan ay napagalamang isa palang pansamantalang clinic na pinagsususpetsyahang ginagawang pagamutan ng mga sakit na may kinalaman sa kumakalat na coronavirus disease o COVID 19.

Nakuha ng mga awtoridad ang iba’t- ibang mga gamot galing China na nagkakahalaga ng halos
Php 1.5-M, kabilang na dito ang Ribavirin na ginagamit na gamot sa pneumonia at bronchitis.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng mga awtoridad ang nasabing kontrabando habang patuloy naman ang pagiimbestiga upang matukoy kung sino ang may pakana sa naturang ilegal na pagamutan na haharap sa kasong paglabag sa Section 1113 ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Samantala, nagbabala ang Bureau of Customs sa mga ilegal na gumagamit ng mga gamot na walang maayos na clearance mula sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA).

Umapela din ang ahensya sa publiko na huwag magtitiwala sa mga pagamutang hindi rehistrado o walang pahintulot mula sa DOH upang maiwasan ang posibleng paglala ng anomang sakit.

Pinapaalala rin ng ahensya na sumangguni sa mga tamang ahensya ng gobyerno kung may anomang maranasang sintomas ng Covid-19 upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: