Halos nasa dalawampu’t apat hanggang dalawampu’t limang milyong mag-aaral ang inaasahang papasok sa mga pampublikong paaralan sa Lunes, June 13.
Dito sa Quirino Elementary School, nakahanda na ang mga gagamiting pisara, mesa at upuan ng mga bata matapos ang isang linggong brigada eskwela.
Malinis na rin ang paligid ng paaralan at nakumpuni ang mga kagamitang kailangang ayusin.
Naglagay na rin sila ng close circuit television cameras sa principal’s office upang mamonitor ang ginagawa ng mga estudyante at matiyak ang kanilang seguridad.
Ngayong araw din nagsimula ang inset ng mga guro at tatagal ito hanggang Biyernes upang pag-usapan pa ang ilang bagay sa kanilang pagtuturo.
Nakapaskil na rin ang mga schedule ng klase ng mga mag-aaral sa covered court ng paaralan kung saan may mga magulang nang kumopya para sa kanilang mga anak.
Tinatayang halos anim na raang estudyante naman ang papasok ngayong school year sa Don Quintin Paredes High School.
Bagaman may mga mangilan-ngilan pang silid-aralan na pinipinturahan tinitiyak naman ng officer- in-charge ng public high school na sapat ang classrooms at naihanda na rin nila ang mga school supply para sa 200 piling estudyante.
Sa kasalukuyan ay may walong itinatayong silid- aralan na inaasahang matatapos din ngayong buwan ng Hunyo.
Nagpapasalamat naman si Gng. Danao sa MCGI at UNTV sa pangunguna nina Brother Eli Soriano at Kuya Daniel Razon dahil sa mga donasyon at tulong ng grupo sa kanilang brigada eskwela.
Sa darating na Biyernes, June 10 nakatakda naman ang parents and students’ orientation sa mga public school sa pagpasok ng mga estudyante sa Lunes, June 13 ay agad ng sisimulan ang mga aralin batay sa itinakdang curriculum para sa school year 2016- 2017.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)
Tags: ilang public schools sa Quezon City, June 13, Mga silid-aralan at mga gamit