Mga shipping line, wala pang makitang madaling solusyon sa congestion sa Manila Port Area

by Radyo La Verdad | November 20, 2018 (Tuesday) | 4848

Wala pang magawang solusyon sa ngayon ang mga international shipping lines sa problema ng empty container congestion sa Manila Port dahil wala ng paraan upang mapalaki pa ang mga container yard sa Metro Manila.

Ayon sa Association of International Shipping Lines, ito ang nagiging problema kapag ber months dahil tumataas ang inaangkat na produkto ng bansa.

May itinayong container yard sa Bulacan subalit lubha na itong malayo para sa mga trucker na nagdedeliver ng mga produkto.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), tumaas ng 9% o katumbas ng 4.3 million twenty-foot equivalent units ang volume ng container traffic sa pantalan dahil sa domestic trade. Habang 8% o katumbas ng mahigit 2.5 million naman ang itinaas ng container traffic sa Port Area dahil sa foreign trade.

Kaya’t ang resulta, congestion ng libo-libong mga empty container sa pantalan ng Maynila at Camanava. Dahil dito, libo-libong mga delivery trucks sa Manila Port Area ang tigil-operasyon simula kahapon.

Bukod sa port congestion ay tinututulan din ng mga ito ang napipintong pag-phase out sa mga truck na lagpas labinlimang taon na.

Kasama rin sa mga nakiisa ay mga broker na apektado umano ng congestion sa pantalan. Inihilera ng mga trucker ang kanilang naglalakihang sasakyan sa Road 10 sa Manila Port Area.

Plano nilang isagawa ang tigil-operasyon sa loob ng limang araw, pero kung walang tugon ang pamahalaan ay itutuloy-tuloy nila ito.

Sa ngayon ay naghihintay ang mga trucker sa magiging tugon ng pamahalaan sa kanilang problema.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,