Mga sewer tank sa Boracay, pinaseselyohan upang maiwasan ang kontaminasyon sa tubig ngayong tag-ulan

by Radyo La Verdad | June 13, 2018 (Wednesday) | 3307

Habang hindi pa natatapos ang rehabilitasyon ng sewer at drainage system sa Boracay, hindi maiiwasan na magkaroon ng pagbaha sa ilang mababang bahagi ng isla lalo na ngayong tag-ulan.

Bagaman nagsasagawa ng water pumping ang Malay local government at Boracay Island Water Company (BIWC), pansamantala lamang anila ito hangga’t hindi pa natatapos ang rehabilitasyon.

Kaya upang maiwasan ang pag-apaw ng mga sewer sa isla, payo ng BIWC sa mga residente at establisyemento na ihiwalay ang imbakan ng maruming tubig sa tubig ulan at selyohan ito.

Ayon kay Aldaba, kapag naghalo ang tubig baha at ang waste water mula sa umapaw na sewers ay magkakaroon ng kontaminasyon na posibleng pagmulan ng sari-saring sakit.

Noong nakaraang linggo ay nakaranas ng tuluy-tuloy na pag-ulan ang Boracay na dulot ng habagat kung kaya’t binaha ang ilang bahagi ng isla.

Nakita rin ng Boracay water na karamihan ng laman ng kanilang sewerage treatment plant (STP) ay tubig-ulan na dapat sana ay nakalaan lamang sa waste water o sewerage.

Ibig sabihin, posibleng may mga establisyemento pa ring hindi sumusunod sa patakarang ipinatutupad sa isla na paghihiwalay ng waste water o sewerage sa tubig ulan.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,