Mga Senador, kinondena ang Cease and Desist Order ng NTC vs ABS-CBN

by Erika Endraca | May 6, 2020 (Wednesday) | 10287

METRO MANILA – Sa hybrid session ng senado, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang senador sa pagpapahinto ng National Telecommunications Commission (NTC) sa broadcast operations ng media network ng ABS-CBN.

Ayon kay Senator Sonny Angara, tila paglabag ito sa resolusyon na ipinasa noong Marso na naglalayong bigyan ng NTC ng provisional authority ang ABS-CBN.

Para naman kay Senador Grace Poe na siyang Chairperson ng Commitee on Public Services na nanguna noon sa pagdinig sa senado tungkol sa isyu, ang mga empleyado ang matatamaan lalo na sa gitna ng krisis.

“Ngayon pa sila magpapasara kung kailan ang daming walang trabaho. I’m not just saying this because my mom is a talent here.  kahit naman hinid siya makataggap, kaya lang ‘yung mahirap ‘yung iba pang mas maliit ‘yung sweldo.” ani Sen. Grace Poe.

Tiinawag naman itong kalokohan ni Senator Kiko Pangilinan lalo na’t 11,000 manggagawa ang mawawalan ng kita sa gitna ng quarantine.

Tanong din ng senador, para lang ba ang puso ng pamahalaan sa mga dayuhan dahil pinayagang magbukas ang industriya ng pogo sa bansa?

Iregular din ang tingin ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri sa kautusan ng NTC.

Maaari naman umanong humingi ng temporary restraining order ang ABS-CBN sa Korte Suprema.

“Maybe the ABS-CBN, the company could seek redress to the supreme court because they can cite many instances where the ntc has given provisional authority for those who are still applying not even gotten their franchises and yet they are operating for provisional authority.” ani Senate Majority Leader Miguel Zubiri.

Kinondena rin ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at sinabing isa itong ‘grave abuse of discretion’ sa parte ng NTC.

Nababahala naman si Senator Risa Hontiveros at sinabing insensitibong aksyon ito sa pangangailangan ng publiko.

Si senator Christopher Bong Go naman, inusig ang kamara na bilisan na ang pagtalakay sa prangkisa ng media network.

Hamon naman ni senate president Vicente Sotto III, iakyat na ang prangkisa sa senado upang maaprubahan na nila ito.

Kagabi (May 06), may mga nagtirik ng kandila sa labas ng ABS-CBN compound bilang pakikiisa sa naturang media network.

May mga miyembro rin ng mga mamahayag ang nagpakita ng suporta sa istasyon.

Ayon naman sa ilang empleyado, ang tanging magagawa nila sa ngayon ay ang maghintay.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,