Mga sementeryo, pansamantala nang isinara simula ngayong araw ; serbisyo para sa libing at cremation, mananatiling bukas

by Radyo La Verdad | October 29, 2021 (Friday) | 2487

METRO MANILA – Isasara ng 5 araw ang lahat ng mga sementeryo sa buong bansa mula ngayong araw, October 29 hanggang November 2, alinsunod sa kautusan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Layon nito na maiwasan ang kumpulan ng mga tao sa sementeryo na posibleng pagmulan ng hawaan ng COVID-19.

Kahapon (October 28), pagpatak ng alas singko ng hapon, isinara na ang Manila North Cemetery at pinalabas na ang mga bisita sa loob ng sementeryo.

Mayroon pang ibang nakiusap na makapasok ngunit hindi na sila pinagbigyan ng pamunuan ng Manila North Cemetery.

Sa kabila ng paulit-ulit na paalaala, may ilan pa rin magulang ang nagsama ng mga bata.

Pero iniiwan na lamang sila sa holding area na binabantayan ng security force saka binalikan ng kanilang mga magulang o guardian.

May mga nakumpiska pa rin na ipinagbabawal na mga bagay gaya ng alak, sigarilyo, at matutulis na kasangkapan.

Umabot sa mahigit 17,000 ang mga taong dumating kahapon sa Manila North Cemetery bago ito pansamantalang isara

Ayon sa management ng sementeryo, mas mababa ang bilang ng mga bumisita ngayong taon kumpara sa 50,000 na inaasahan nitong darating

Sa manila south cemetery naman, kakaunti na lamang din ang nagpunta kahapon (October 28).

Ayon sa admin staff na si Rene Zaragoza, nasa higit 50,000 lamang ang nagpunta ngayong taon

Higit na mababa kumpara sa dating bilang na umaabot ng 200,000.

Paglilinaw naman ng management ng mga sementeryo, bagamat sarado ang mga ito sa loob ng 5 araw, bukas naman ang mga sementeryo para sa iba pang serbisyo gaya ng libing at cremation ngunit sa limitadong kapasidad lamang.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,