Mga sample ng pork products na nagpositibo sa African swine fever, umabot na sa 34 – BAI

by Radyo La Verdad | July 20, 2019 (Saturday) | 7730

Nakumpiska ang ilang pork products ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport noong Hunyo 19 hanggang 28.

Tinangkang ipasok ang mga ito sa bansa mula sa Hong Kong at China, subalit walang kaukulang sanitary at phytosanitary clearance mula sa Bureau of Animal Industry (BAI).

Ang China ay isa lamang sa 19 na bansang ipinagbabawal ang pag-aangkat ng pork at pork products dahil sa outbreak ng African Swine Fever (ASF).

Sa halos 400 sample na sinuri ng BAI, 34 na ang nagpositibo sa sakit.

Ibig sabihin ay posibleng mahawaan nito ang mga alagang baboy sa bansa kung hindi nasabat ang mga ito.

Ang pinakahuli sa mga bansang ipinagbawal sa  pag-aangkat ng pork ay ang Germany.

Wala pang outbeak ng ASF sa nasabing bansa subalit nadamay ito sa ban matapos magpasok ng mga pork product sa Pilipinas ang isang kumpanya kasama ang nasa 250 kilos ng pork na mula pala sa Poland.

Katabi lamang ng Germany ang Poland at isa rin ito sa 18 bansang may outbreak ng ASF.

Nasabat ang shipment sa Cebu noong  ika-27 ng Hunyo kung saan kabilang ang 27 kahon ng mga pork product mula sa Poland.

Sa isang panayam kay Agriculture Secretary Manny Piñol, sinabi nito na,  “Seryosong paglabag ito sa Quarantine Law kaya’t nagpatupad sila ng import ban sa Germany. Nakikiusap ako. Please understand, this are extra-ordinary times we cannot take the risk. Kasi tingnan mo, Germany napaka-respectable na bansa nyan. It’s export country known for its high standards, nasingitan tayo.“

Nanganganib ang 260 billion pesos na halaga ng industriya ng baboy sa bansa kung makakapasok sa bansa ang ASF.

Ilan sa mga bansang malalapit sa Pilipinas na may outbreak narin ng ASF ay ang Vietnam at Cambodia.

Sa bagsik ng virus, siguradong mamamatay kapag nahawa ang isang baboy at wala pang natutuklasang gamot para dito.

Noong Mayo ay pina-alis sa mga grocery store ng food and drug administration ang mga pork product na mula sa China na may manufacturing date matapos na ipatupad ang import ban.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,