Nagsisiksikan ngayon sa covered court na ito ang mahigit sa isang libong mga residente ng Barangay Talayan Village, Quezon City na nasunugan noong Biyernes. Karamihan sa kanila ay halos walang naisalbang gamit, at hindi alam kung paano makababawi mula sa trahedyang sinapit.
Sa ngayon ay regular naman anila ang pagbibigay sa kanila ng suplay ng pagkain at mga gamot para sa mga may sakit. Napagkalooban na rin ang mga ito ng banig, kumot at ilan pang mga damit.
Subalit hanggang sa ngayon ay wala umanong nababanggit sa kanila ang lokal na pamahalaan hinggil sa lugar na malilipatan. May ilan umanong nagsasabi na, plano silang ilipat sa relocation site sa Rizal.
Umaapela ang mga ito, na sana’y payagan na lamang sila na maitayo muli ang kanilang mga bahay sa dating lupa, sa halip na ilipat pa sila ng ibang lugar.
Bukas nakatakdang pulungin ng mga opisyal ng Quezon City ang mga residente upang pag-usapan ang lugar na posibleng nilang paglipatan.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)