Mga residente sa Itogon, Benguet na nasa danger zone, inilikas dahil sa Bagyong Paeng

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 2566

Patuloy ang pre-emptive evacuation sa mga pamilya sa Itogon, Benguet na naninirahan sa mga delikadong lugar.

Gaya ng Sitio First Gate sa Barangay Ucab, Sitio Luneta sa Barangay Loacan, Barangay Virac, Ampucao, Gumatdang, at Tuding.

Ayon kay Mayor Victorio Palangdan, bahagi ito ng paghahanda nila sa pagbayo ng Bagyong Paeng sa Hilagang Luzon. Tumutulong ang mga pulis sa pag-impake at paglikas ng mga pamilya sa ligtas na lugar.

Hindi naman problema ang pagpapalikas sa mga residente dahil hanggang ngayon, bakas pa rin sa kanila ang takot na idinulot ng Bagyong Ompong sa kanilang mga kababayan.

Samantala, siyam na pamilya sa Itogon ang nag-avail sa Balik Probinsiya Program ng DSWD – Cordillera, habang 75 na pamilya ang undecided at 235 na pamilya ang uupa sa ibang lugar.

Batay sa datos ng DSWD – Cordillera, 604 na mga bahay ang partially-damaged habang 94 na mga bahay ang totally damaged sa buong bayan ng Itogon dahil sa pananalasa ng Bagyong Ompong.

Ayon kay Mayor Palangdan, kailangang isailalim ang buong bayan sa kumpletong rehabilitasyon, gaya ng paglalagay ng pagtakip sa mga butas na sanhi ng pagmimina sa lugar.

Sinabi pa nito na sa complete rehabilitation program ay maibabalik sana ang dating anyo ng kapaligiran sa Itogon bago pa magkaroon ng mining operation doon, kung saan kilala ang Itogon sa pagproproduce ng bigas.

Ngunit nang magboom ang industriya ng pagmimina , naapektuhan ang maraming nagsasaka.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,