Mga residente sa 22 barangay sa Central Visayas, posibleng hindi makaboto dahil sa kawalan ng stable na power supply

by Radyo La Verdad | April 26, 2016 (Tuesday) | 947

KURYENTE
Puspusan na ang paghahanda ng Commission on Elections-Central Visayas para sa idaraos na national at local elections sa darating na Mayo a-nueve.

Ayon kay COMELEC Regional Director Jose Nick Mendros, kabilang sa kanilang pinaghahandaan ay ang pagkakaroon ng sapat na supply ng kuryente upang huwag maapektuhan ang botohan at transmittal ng resulta ng halalan.

Sa natanggap na ulat ng COMELEC, nasa dalawampu’t dalawang barangay sa Central Visayas ang posibleng hindi makalahok sa eleksyon dahil sa kawalan ng stable na supply ng kuryente.

Walo rito ay sa Cebu habang nasa Bohol naman ang natitirang labing-apat na barangay.
Bilang tugon sa problema, maglalagay ng generator sets ang COMELEC sa mga nasabing lugar.

Ang pondo na lang para sa gagamiting gasolina ang hinahanapan ngayon ng paraan ng COMELEC-7.

Sinabi naman ng COMELEC na handa silang tumanggap ng tulong mula sa lokal na pamahalaan para dito ngunit hindi mula sa mga pulitiko.

7,048 VCMs ang naka-allot sa Cebu at may kasama itong baterya na maaaring tumagal ng hanggang labindalawang oras.

Samantala, tiniyak naman ng Department of Energy, National Grid Corporation of the Philippines at Visayan Electric Company na may sapat silang reserba ng kuryente sa Visayas para sa May-9 elections ngunit nanawagan pa rin sila sa publiko na magtipid sa paggamit ng enerhiya.

(Gladys Toabi/UNTV NEWS)

Tags: ,