Mga residente ng Marawi City, pinipigilan pa rin ng militar na bumalik sa kanilang mga tahanan

by Radyo La Verdad | August 1, 2017 (Tuesday) | 1914

Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines na hindi pa maaaring makauwi sa kanilang tahanan ang mga residente ng Marawi kahit idineklara na itong cleared.

Ito ay dahil sa panganib ng stray bullets o mga ligaw na bala. Ang maaari lang makabalik ay ang mga nakatira sa mga munisipalidad sa labas ng Marawi City at nasa paligid ng Lake Lanao.

Maaari silang dumaan sa alternatibong ruta mula Saguiran-Piagapo Road na nasa hilagang bahagi o ang Malabang hanggang Lanao Del Sur na nasa timugang bahagi.

Samantala, isang pribadong lupain na may sukat na 11 ektarya sa Barangay Sagongsongan, Marawi City ang ipinahiram ng libre sa pamahalaan.

Ito ay upang pagtayuan ng shelters para sa mga nawalan ng tirahan dahil sa bakbakan. Ngunit sa halip na tents, transitional shelters ang itatayo ng pamahalaan

Ayon sa Western Mindanao Command, limang libong transitional shelters ang planong itayo para sa mga bakwit ng Marawi.

Sa ngayon ay tinatapos na ng 54th engineering brigade, Department of Public Works and Highways Region 10 at ng Office of the City Engineer ng Marawi City ang dalawang model houses para rito.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,