Patuloy na minomonitor ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga lugar na maapektuhan ng pananalasa ng bagyong Basyang sa lalawigan.
Kabilang sa mga lugar na binabantayan ng PDRRMO ay ang munisipalidad ng Moalboal at Boljoon kung saan may mga lugar na kabilang sa mga landslide at flood prone areas.
Aabot na sa pitumpung pamilya ang inilikas sa munisipalidad ng Alegria at Boljoon dahil nakatira ang mga ito sa mga high-risk at coastal area.
Samantala, patuloy ring minomonitor ng lokal na pamahalaan ang lebel ng tubig sa mga ilog sa Negros Occidental.
Ayon sa datos ng PDRRMC, nasa normal na lebel pa ang karamihan ng mga ilog sa Negros Occidental maliban na lamang sa Bago-Murcia Bridge kung saan nasa 3.78 meters na ang lebel ng tubig at sa Bago Bridge naman na nasa 3.61 meters na ang water level.
Kinansela naman ang ilang klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa ilang bahagi ng Western Visayas. Kabilang sa mga walang pasok ang ilang paaralan sa Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental at Negros Oriental.
Samantala, naka-blue alert status ngayon ang Office of the Civil Defense- Western Visayas. Ibig sabihin, mahigpit na binabantayan ng mga concerned agencies ang kalagayan ng buong rehiyon, lalo na ang mga residente sa mga lugar na malapit sa dagat at mga ilog gayundin ang mga nasa bulubunduking lugar dahil sa posibilidad ng landslide kapag tuloy-tuloy ang mga pag-ulan.
( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )
Tags: bagyong Basyang, Cebu, rescue teams