Humarap sa pagdinig ng Senado ang ilan sa mga mobile prepaid user na nagrereklamo dahil sa mga kwestyonableng ibinabawas sa kanilang load.
Si Gigi Lapid, ikinagulat ang biglang pagkaubos ng kaniyang load kahit hindi naman niya ginamit o pumayag man sa mga nag-aalok ng value-added service.
Paliwanag ng dalawang telecommunications company, hindi maaaring mabawasan ang load kung hindi pumapayag sa mga inaalok ng value added service providers tulad na lamang ng mga alok na ringtones.
Ngunit ilan sa mga third party provider na ito ay pinagtatanggal na rin umano nila dahil sa hindi makatuwirang paniningil.
Nakuwestyon rin kung paano nakukuha ng mga nag-aalok ng serbisyo na third party company o provider ang mga cellphone number.
Kaugnay nito, payo ng ilang eksperto, maging maingat sa mga ini-install na mga application sa cellphone.
Naghahanda naman ng mahigpit na panuntunan ang National Telecommunications Company (NTC) tungkol sa value added service na inaalok sa mga cellphone user.
Nanawagan rin ang Department of Trade and Industry (DTI) na lumapit sa kanila sakaling may reklamo ukol sa nakaw load.
Sa ngayon, ilang hakbang ang napagkasunduan upang maiwasan ang mga reklamo sa nababawas na load.
Samantala sa pagdinig, tiniyak ng dalawang telco companies na ipatutupad na nila simula sa ika-5 ng Hulyo ang 1 year validity ng load na P300 pababa.
Enero nitong taon ay una na nilang ipinatupad ang 1 year validity ng P300 load pataas bilang pagalinsunod sa Joint Memorandum Circular ng DTI, DICT at NTC.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: Nakaw Load, reklamo, Senado