Mga ralisyista na magprotesta kontra APEC, bantay sarado ng mga tauhan ng PNP

by Radyo La Verdad | November 18, 2015 (Wednesday) | 1574

RALLY
Mahigit sa tatlong daang mga tauhan ng Philippine National Police ang nakadeploy sa lugar ng Baclaran Market kung saan nagkakampo ang daan-daang mga katutubong Lumad na balak na magpo-protesta habang idinaraos ang Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa bansa.

November 13 pa ng magsimulang magkampo sa Baclaran ang halos pitong daang mga Lumad, kasama ang may mahigit isang daang mga taga suporta kabilang na ang Manilak Bayan.

Ayon sa grupo,mananatiling sila sa lugar hanggang sa susunod na linggo kaya mahigpit ang ginagawang pagbabantay sa kanila ng pulisya.

Bukod sa mga Lumad na nasa aclaran, hinarang rin ng mga pulis ang mahigit apat na raang mga raliyista na nasa Kalaw, Maynila.

Dakong alas-onse ng umaga ng magtipon-tipon ang iba’t-ibang grupo ng mga raleyista,upang magprotesta sana sa harap ng US Embassy ngunit pinigilan sila ng mga pulis.

Ayon kay Diego Torres ang tagapagsalita ng grupong Bagong Alyansang Makabayan mula sa Southern Tagalog, layon ng pagtitipon na ipaabot sa gobyerno ang kanilang pagtutol sa APEC Summit.

Naharang rin ng mga pulis ang ilan pang grupo ng mga kabataan sa may bahagi ng Padre Faura na nagtangka ring magprotesta sa may US Embassy. (Joan Nano/UNTV News)

Tags: ,