Mga puno ng mahogany na itinanim ng MCGI NCR Chapter sa Tanay, Rizal noong 2010, pinakikinabangan na ngayon

by Radyo La Verdad | December 18, 2017 (Monday) | 4889

October 10 2010, dinagsa ng libo-libong miyembro ng Members Church of God International ang bulubunduikng bahaging itio ng San Andres, Tanay Rizal bilang bahagi ng pagdiriwang ng 30th anniversary ng longest religious program sa Pilipinas, ang Ang Dating Daan.

Bitbit ang sampung libong mahogany seedlings, hindi alintana ng mga ito ang pagod sa mahabang byahe, ilang kilometro paglalakad, maging ang pagtawid sa batis at pag akyat ng bundok.

Baon ang ngiti, kalakip ang pakikiisa sa layunin ng samahan na makatulong sa pangangalaga sa kalikasan. Mismong si Bro. Eli Soriano na nasa ibang bansa, at si Kuya Daniel Razon ang nanguna noon sa pagtatanim ng mga puno.

Makalipas ang tatlong taon, 2013 kasabay naman ng pagdiriwang ng 33rd Anniversary ng Ang Dating Daan, muli naming binalikan ang mga puno at dito nakita, ang karamihan sa mga itinanim ay nanatiling buhay. Muli itong nilinisan at inalisan ng damo ng mga kabataan ng MCGI, na ayon sa kanila ay palagi nilang ginagawa mula ng itinanim ang mga mahogany seedlings. Bukod pa rito ang pag-upa ng isang caretaker sa lugar na nagbabantay sa mga puno.

Makalipas ang halos pitong taon, noong nakarang linggo muli naming inakyat ang San Andres, Tanay Rizal. Nakamamanghang makita na nagmistulang gubat na ang isang bahagi ng dati’y kalbong bulubunduking bahagi ng bundok.

Ayon sa samahan ng magsasaka na nakapanayam namin sa lugar, malaki ang naitulong sa kanila ng mga itinanim na puno ng MCGI.

Ayon kay Brgy. Captain Darwin Dela Rosa, nakatulong rin ito sa mga katutubo bilang extra source of income.

Ang tree planting ay isa lamang sa napakaraming charity works na palaging ginagawa ng Members Church of God International.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,