Mga pulis at taxi driver na umano’y sangkot sa pagpatay kina Carl Arnaiz at alyas Kulot, inireklamo ng double murder

by Radyo La Verdad | September 15, 2017 (Friday) | 1959
                                           (Mga larawan nila Carl Arnaiz at alyas Kulot)

Nagsampa na rin ng pormal na reklamo ang Public Attorney’s Office laban sa mga pulis at taxi driver na sangkot sa pagkakapaslang kay Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman alyas Kulot.

Double murder cases, violation of firearms act, planting of evidence, paglabag sa drugs act at violation of the Anti-Torture Act RA 9745 ang kakaharapin ng mga ito.

Ayon pa sa PAO, hindi rin makatuwiran na pakialaman pa ng ibang investigating body ang kaso ni Arnaiz at Kulot. Maging ang pakikialam sa mga bangkay ng dalawang menor de edad.

Humarap naman kahapon sa pagbubukas ng preliminary investigation ng Kian Delos Santos slay case sa Department of Justice ang ilan sa mga testigo laban sa mga pulis-Caloocan. Dalawa rito ay menor de edad at inaasistehan ng Public Attorney’s Office.

Nanumpa na rin ang mga ito kasabay ng pagsusumite nila ng kanilang affidavit. Dumalo rin sa pagdinig ang mga magulang ni Kian.

Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Acosta, malakas ang hawak nilang ebidensya laban sa apat na pulis-Caloocan na nauna nang inireklamo ng nbi dahil sa umano’y walang awang pagpaslang grade 12 student noong August 16.

Kumpleto rin sa pagdinig ang apat na pulis na sangkot sa kaso na sina Chief Insp. Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz at PO1 Jeremias Pereda.

Itinakda naman ang susunod na pagdinig sa Delos Santos slay case sa September 25.

 

(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,