Anim na araw nang nagbabantay ang mga sundalo sa Barangay San Roque, Sta Rita, Samar nang mangyari ang madugong misencounter sa mga pulis.
Ayon kay Major General Raul M. Farnacio, ang commander ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, nakatanggap ng impormasyon ang kanilang tropa na mayroong humigit-kumulang dalawampung rebeldeng New People’s Army (NPA) sa lugar. Hindi aniya akalain ng mga sundalo na may mga pulis na nagsasagawa rin ng operasyon doon.
Ayon naman kay Police Chief Superintendent Mariel Magaway, ang regional director ng PNP Region 8, regular na nagsasagawa ng operasyon ang mga pulis doon.
Ayon sa militar, nagkagulatan ang dalawang grupo sa Sitio Lonoy at nagkaputukan sa loob ng 30 minuto na ikinamatay ng anim na pulis at ikinasugat ng siyam na iba pa.
Walang casualty sa panig ng 87th Infantry Battalion pero iniimbestigahan na ang dalawampu’t pitong sundalo na kasama sa operasyon.
Ayon kay Farnacio, patuloy ang imbestigasyon para malinawan sa nangyari.
Tinanggal na rin sa pwesto sina Superintendent Glen Oliver Cinco, ang officer-in-charge ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 8 at Chief Inspector Don Archie Suspeñe, ang team leader ng tatlumpu’t talong pulis na naka engkwentro ng mga sundalo.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, nakatuon ang joint investigation ng AFP at PNP sa naging koordinasyon sa pagitan ng mga sundalo at pulis na kasama sa operasyon.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: misencounter, NPA, Samar