102 pulis na karamihan ay mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at ilang pulis sa PRO Region III at PRO Region IV-A ang dinala sa Malacañang kahapon upang iharap kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ang mga ito ay may mga ranggong PO1 hanggang chief inspector.
Sinasabing ang mga pulis na ito ay nadawit sa iba’t-ibang maling gawain at may kinakaharap na criminal cases tulad ng tatlong Taguig City police personnel na sangkot sa kidnap for ransom.
Samantalang ang iba, may kinakaharap na kasong rape, robbery-extortion, sangkot sa iligal na droga at ang iba may administrative cases dahil sa pagpapabaya sa tungkulin tulad ng pag-iwan sa court duties at iba pa.
Ayon kay Pangulong Duterte, panira ang mga ito sa gumaganda na aniyang imahe ng pambansang pulisya.
Nagbabala rin ito sa mga scalawag police.
Aniya, walang dapat sisihin ang mga tiwaling pulis na ito kundi ang kanilang sarili. Tinawag din ng Pangulo na walang silbi at salot ang mga ito sa lipunan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na dinala sa Malacañang at iniharap sa punong ehekutibo ang mga erring policemen.
Noong Pebrero 2017, lagpas 200 na pulis ang pinagalitan din ng Pangulo dahil sa kanilang mga iresponsableng gawain.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: NCRPO, Pangulong Duterte, salot