Mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian Llyod, mabubulok sa kulungan, kapag napatunayang may sala – Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | August 22, 2017 (Tuesday) | 2098

Nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ni Kian Llyod Delos Santos, ang 17 anyos na  binatilyong napatay sa  anti-drug operation umano ng Philippine National Police sa Caloocan City noong nakaraang Linggo.

Ayon sa Pangulo, napanood niya ang CCTV footage nang pagdakip kay Kian. Dahil dito ay inatasan niya agad si PNP Chief Director General Ronald Bato Dela Rosa na hulihin ang mga pulis na sangkot sa operasyon.

Ayon pa sa Pangulo, mabubulok sa bilangguan ang mga pulis kapag napatunayang sinadyang patayin ng mga ito si Kian. Hindi rin umano nito bibigyan ng pardon ang mga pulis kung sakaling ma-convict ang mga ito.

Taliwas ito sa ilang ulit nang binanggit ni Pangulong Duterte na bibigyan niya ng pardon ang mga pulis na makukulong  dahil sa kanyang utos na pagsugpo sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.

Samantala, sinabi ng Pangulo na nagdesisyon itong huwag nang magpunta sa burol ng binatilyo.

 

(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , ,