Pinadalhan na ng summon ng PNP-Internal Affairs Service sina Supt. Rafael Dumlao, SPO3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas at PO2 Christopher Baldovino na isinasangkot sa Jee Ick Joo kidnap slay case.
Ayon kay PNP-IAS Deputy Inspector General PCSupt. Leo Angelo Leuterio, kailangang mag-report sa kanila ang mga ito bago matapos ang linggo upang mapag-usapan ang isasagawang summary hearing.
Gustong malinawan ng PNP-IAS mula sa apat kung nais nilang gawing open hearing ang pagdinig o magsusumite na lamang sila ng position paper.
Base sa batas, 90 days ang itinakda upang dinggin ang isang kaso sa open hearing subalit maaari namang mapaigsi sa 28 days depende sa pakikipagtulungan ng mga akusado. Ngunit mas mapapabilis aniya ang proseso kung magsusumite na lamang ang mga ito ng position paper.
Samantala, kinumpirma din ni Leuterio na itinaas na sa grave misconduct ang kaso ni PSupt. Rafael Dumlao sa ias mula sa dating simple neglect of duty.
Itoy matapos aniyang maisumite ni SPO4 Roy Villegas ang kanyang affidavit na direktang nagdadawit kay Dumlao sa kaso.
Ipinaliwanag pa ng heneral na sa kasong simple neglect of duty, tanging suspension lamang ang parusa habang dismissal from the service naman ang posibleng kaharapin sa grave misconduct kung mapatutunayang guilty.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)