Mga pulis na nagsisilbing security detail ng mga VIP at pulitiko, pinalalahanan ng PNP

by Radyo La Verdad | May 27, 2015 (Wednesday) | 1790

PNP 3
Nagpaalala ang Police Security & Protection Group sa mga pulis na nakatalaga bilang security detail ng mga pulitiko.

Ayon kay PSPG Spokesperson P/Supt. Rogelio Simon, bawal na bawal sa mga ito ang gawing utusan o alila ng mga pulitiko tulad na lamang ng tagabitbit ng bag, tagabukas ng gate ng bahay, tagahatid at tagasundo ng mga anak sa eskwelahan.

Aniya, labag ito sa polisiya ng isang protective security personnel na nakatalaga sa isang pulitiko o VIP upang bantayan ang kaligtasan dahil sa serious threat na natatanggap sa kanilang buhay.

Sinabi pa nito na maaaring makasuhan ng administratibo ang isang pulis na nagpapaalila habang matatanggalan naman ng security detail ang mga VIP at pulitiko na lumalabag sa polisiya.

Samantala, ipinaalalahanan din ng PSPG na ire-recall nila ang mga pulis na nagsisilbing security detail ng mga pulitiko sa pagpasok ng election period base sa kautusan ng Comelec.

Itoy upang maiwasan ang pakikisangkot ng mga pulis sa pulitika at upang mapanatiling apolotical ang mga tauhan ng PNP.

Gayunman, kung talaga aniyang may seryosong banta sa buhay ang isang pulitiko at kailangan ng security aide, Comelec na ang magde-desisyon kung kailangan itong bigyan ng police security personnel.

Base sa polisiya ng PSPG, 2 security aide lamang ang pinahihintulutan sa isang VIP o pulitiko na may banta sa buhay maliban sa mga ilang matataas na opisyal ng gobyerno na otomatikong binibigyan ng bantay na nasa maximum na 8 tulad ng Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House, Chief Justice, DILG Secretary at Defense Secretary habang mahigit naman sa walo ang maaaring bantay ng Presidente .(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: