Mga pulis na kabilang sa ‘narco list’, binigyan na ng ultimatum

by Radyo La Verdad | August 11, 2016 (Thursday) | 1709

CARLOS
Nagbabala ang pamunuan ng pambansang pulisya sa mga tauhan nitong nakasama sa listahan ng mga umano’y sangkot sa illegal drugs operation.

Idedeklara silang awol o absent without official leave kung hindi magpapakita at magsusumite ng kanilang salaysay.

Ayon kay PNP PIO Spokesperson PSSupt. Dionardo Carlos, labing isang araw lamang ang ibinibigay nila sa mga ito upang mag-report sa Internal Affairs Service sa Kampo Crame o sa kani -kanilang mother unit.

Bukod sa pagiging awol maaari ding maharap sa kasong administratibo ang mga narco police kapag hindi pa rin sumuko.

Ang pagbibilang sa labing isang araw ay mula noong Lunes ng umaga nang matapos ang 24 hrs deadline ni Pangulong Duterte.

Sa 98 na mga law enforcement personnel na nasa narcolist, 43 pa lamang ang nagpapakita sa Kampo Crame upang magbigay ng kanilang pahayag sa pagkakadawit ng kanilang pangalan sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.

Samantala, pinag-susumite muli ng Statement of Assets and Liablities o SALN matapos makarating kay PNP Chief ang balitang may ilang pulis na may malalaking bahay, mamahaling sasakyan at malaking pera sa bangko.

Inutusan na rin aniya ni Chief PNP PDG Ronald dela Rosa ang directorate for intelligence na magsagawa ng financial investigation sa ilang mga pulis na may kahina-hinalang yaman.

(Lea Ylagan/UNTV Radio)

Tags: , ,