Ipinagpatuloy ngayong araw ng DOJ ang preliminary investigation sa kaso ng pagpatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa at inmate na si Raul Yap sa loob ng Leyte Sub- provincial Jail noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Dumalo ang dalawamput tatlong pulis na respondent sa kasong multiple murder sa pangunguna ng dating hepe ng PNP-CIDG Region 8 na si Supt.Marvin Marcos.
Sa magkakahiwalay na counter affidavit, nanindigan ang mga pulis na lehitimo ang kanilang operasyon at sinusunod lamang nila ang utos ng korte.
Itinanggi rin ng mga pulis na nagsabwatan sila upang patayin si Mayor Espinosa.
Nanindigan rin ang mga pulis na nanlaban at nakipagpalitan ng putok ang napatay na alkalde at isa pang inmate
Kwestyonable rin umano ang reklamong isinampa ng nbi dahil lima sa mga inirereklamo ay hindi naman kasama sa operasyon.
Kabilang dito ang dalawang babaeng pulis na sina PO1 Cristal Jane Gisma at PO1 Divine Grace Songalia at si Senior Inspector Eric Constantino na nasa Cagayan pa nang isagawa ang raid sa bilangguan.
Naghain naman ng karagdagang reklamo si Kerwin Espinosa, ang anak na napaslang na alkalde.
Itutuloy ang preliminary investigation sa February 2.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Mga pulis na isinasangkot sa pagpatay kay Mayor Rolando Espinosa, nanindigang lehitimo ang kanilang operasyon