Mga pulis na ginagawang trabaho ang bounty hunting, mananagot sa batas – PNP PIO chief

by Radyo La Verdad | June 7, 2018 (Thursday) | 4146

Paghuli sa mga wanted persons, kriminal at mga high value target ang trabaho ng mga pulis.

Responsibilidad din ng mga ito ang pagpapanatili ng katahimikan at pagtiyak sa seguridad ng mamamayan. Ito ang binigyang diin ng bagong tagapagsalita ng pambansang pulisya.

Ayon kay PSSupt. Benigno Durana, tinitiyak nilang naipatutupad ng maayos at walang nalalabag na karapatang pantao sa paghuli ng mga kriminal.

Pero ayon kay Durana, hindi kabilang sa trabaho ng mga pulis ang maghanap ng mga taong may patong sa ulo para patayin upang makuha ang reward.

Ayon sa heneral, kung may mapatutunayang pulis na nagsisilbing bounty hunter ay mananagot ang mga ito sa batas, lalo na’t pinaigting ng PNP ang kanilang Counter Intelligence Task Force (CITF) laban sa mga police scalawags.
Matatandaang noong Abril ng nakaraang taon, pinagbabaril habang nagpapakarga ng gas sa isang gasoline station sa Ortigas si PCInsp. Rommel Macatlang.

Si Macatlang ay sinundan ng suspek habang palabas ng Kampo Crame pasado alas dose ng hatinggabi kaya’t hinihinalang pulis din ang salarin.

Sinasabing si Macatlang ay sangkot umano sa iligal na droga at kabilang sa narco list ng pangulo at may patong sa ulo.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,