Ipinag-utos ni Philippine National Police Chief Oscar Albayalde sa Police Regional Office-7 na bantayan ang mga pulis na inilipat sa Mindanao.
Ito ay matapos makatanggap ng ulat ang heneral na bumalik ang ilan sa mga ito sa Cebu at hindi na pumapasok.
Ayon kay Police Regional Office 7 Spokesperson PSupt. Reman Tolentin, nais malaman ni Gen. Albayalde kung bumalik sa kanilang iligal na gawain ang mga naturang pulis.
Inilipat ang mga ito ng destino sa Mindanao dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug activities.
Bahagi ang kanilang transfer ng internal cleansing ng PNP na nagsimula sa panahon ng panunungkulan ni former PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Samantala, inamin ng PNP Region 7 na malaking hamon sa kanila ang patuloy na pagsugpo sa iligal na droga sa rehiyon, lalo na at ayon sa ulat ng PNP ay nanatiling drug hotspot ang Cebu Province.
Babala naman sa lahat ng mga pulis sa rehiyon na sangkot sa mga iligal na gawain na magbago na upang huwag maharap sa mas mabigat na parusa.
( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )
Tags: Central Visayas, PNP, pulis