Sa lalong madaling panahon ay uumpisahan na ng National Capital Region Police Office ang retraining sa mahigit isang libong pulis-Caloocan na inalis sa pwesto. Naniniwala si NCRPO Chief Oscar Albayalde na isa itong paraan upang madisiplina ang mga naturang pulis.
Subalit kung babagsak ang mga ito sa training, tiniyak ni Albayalde na posibleng matanggal sila sa tungkulin. Hindi na masyadong tututok ang NCRPO sa skills training dahil naniniwala silang disiplina ang problema na dapat masolusyunan.
Pagkatapos ng training, madedestino na sa ibang lugar ang mga naturang pulis at pupunan na lamang ng NCRPO ang mga nabakanteng pwesto ng mga pulis mula sa ibang lugar, dadaan naman sa masusuing background check ang mga pulis na ma a-assign sa Caloocan. Aminado naman si Albayalde na hindi lahat ng mahigit isang libong na-relieved ay mga tiwali at mas nakararami pa rin ang matitinong pulis.
Ni-relieve sa tungkuling noong nakaraang linggo ni NCRPO Director Oscar Albayalde ang buong pwersa ng Caloocan Police Station. Kaugnay ito ng kanilang pagkakasangkot sa ilang high profile crimes gaya ng pagpatay sa teenager na si Kian Delos Santos sa isang drug operation.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: NCRPO, NCRPO Chief Albayalde, pulis-Caloocan