Mga public natural swimming pool sa Zamboanga City, tuyo na dahil sa epekto ng El Niňo

by Radyo La Verdad | March 29, 2016 (Tuesday) | 1731

DANTE_TUYO
Tumitindi pa ang nararamdamang epekto ng tag-init sa Zamboanga City.

Ito ay sa kabila ng nag-uumpisa ng humina ang umiiral na El Niño phenomenon sa bansa.

Dahil dito, tuyong-tuyo na maging ang mga public natural swimming pool sa lungsod na dinadayo ng aabot sa libu-libong tao kada-linggo na nagmumula pa sa iba’t-ibang probinsya.

Malapit lamang sa pinaka-source at water reservoir ng water disrict ang mga pool ngunit hindi na kayang masuplayan ng tubig.

Ayon sa pagasa, matindi ang naging epekto ng El Niño dahil nasabay pa ito sa dry season ng Zamboanga.

Nabalewala rin ang isinagawang cloud seeding operations kamakailan dahil nag-eevaporate agad ang ulan pagbagsak sa lupa sanhi ng sobrang init.

Isa ang mga swimming pool sa pinagkakakitaan ng siyudad kaya naman bawas kita na ito sa lokal na pamahalaan.

Sampung piso lamang ang entrance fee ngunit malaki na sana ang kikitain dahil sa dami ng taong dumadayo.

Sa ngayon, ayon sa pamahalaang lokal, gagawin na lamang imbakan ng tubig ang mga pool mula sa mga gagawing backwashing o pinanlinis na tubig sa mga filter ng water district na gagamitin naman kapag may nangyayaring sunog.

Inaasahang muling magagamit ang mga pool sa buwan ng hunyo sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan sa bansa.

Samantala, mas lalo ring humaba ang oras ng ipinapatupad na water service interruption sa mga barangay.

Mayroong mga lugar na isang araw ay nawawalan ng tubig kaya bumibili na lamang sa ibang barangay.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , ,