Mga proyekto ng maluluklok na SK officials, imomonitor ng NYC

by Radyo La Verdad | May 14, 2018 (Monday) | 3782

Halos walong taon na ang nakalipas mula nang idaos ang huling Sangguniang Kabataan elections noong 2010. Tinatayang nasa 350 thousand ang mga maluluklok na youth leaders sa 42 libong barangay sa buong bansa ngayong araw.

Binubuo ang barangay youth council ng isang chairman at pitong kagawad, edad 18 hanggang 24 at manunungkulan sa loob ng tatlong taon.

Ayon kay National Youth Commission officer-in-charge Chairman Ronald Cardema, tututukan ng NYC, bilang ng highest-policy making body ng pamahalaan sa mga kabataan ang mga isasagawang proyekto ng mga maihahalal na youth officials.

Hindi na rin pahihintulutan ang mga proyektong ginagamitan ng pondo ng barangay subalit wala namang kabuluhan.

Sa halip, isusulong ng NYC na maging aktibo ang mga kabataang opisyal sa mga programang may kinalaman sa disaster response, anti-drugs at anti-crime campaign.

Bukod dito, magrerekomenda na rin ang NYC sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ng suspensyon sa mga SK official na mapapatunayang iresponsable at nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin.

Muli namang ipinaalala ng NYC na hindi maaaring maupo sa pwesto ang sinomang SK official na hindi dadaan sa mandatory training.

Balak din ng komisyon na maiharap ang lahat ng elected youth leaders kay Pangulong Rodrigo Duterte.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,