Matapos paboran kamakalawa ng Quezon City Regional Trial Court ang kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board hinggil sa mandatory installation ng Global Positioning System.
Agad nagbigay ng deadline ang LTFRB sa lahat ng provincial at city buses upang makapaglagay ng GPS sa lahat ng kanilang mga unit.
May 31 sana ang ibinigay na palugit sa mga provincial bus subalit dahil naglabas ng temporary restraining order ang QC RTC noong Abril ay nagbigay pa hanggang sa katapusan ng buwan ang LTFRB.
Samantala, mayroon pang hanggang katapusan ng Setyembre ang city bus operators upang makapaglay ng naturang device sa kanilang mga unit.
Ang lahat ng hindi makakacomply sa paglalagay ng GPS ay magbabayad ng isang libong pisong multa sa bawat unit.
Si Juliet De Jesus ay mayroong 84 units ng bus at kung hindi niya ma-meet ang deadline ay magmumulta siya ng kabuuang 84 thousand pesos kada buwan kaya naman nagtabi na siya ng pera pambili ng mga GPS.
Tiniyak naman ni De Jesus na hindi nila babawiin sa mga pasahero ang gagastusin sa pagpapa-install ng mga ito.
Ayon naman sa LTFRB, malaki ang maitutulong ng gps upang kahit papaano ay mabawasan ang mga aksidente sa daan.
Bukod sa malalaman kung lumalabas na sa kanyang ruta ang mga bus, ma-monitor na rin ng LTFRB ang mga ito sa pamamagitan ng isang server.
Oras na makumpleto na ang paglalagay ng gps sa mga bus, isusunod naman ng LTFRB ang mga jeepney, taxi at UV express.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)