Bida ang bata sa isinagawang taunang Anak TV Awards. Kaninang umaga ay muling binigyang pagkilala ang mga indibidwal na nagsisilbing huwaran sa mga kabataan at mga palabas sa telebisyon na maituturing na child-friendly o child-sensitive.
Ang mga ito ay pinili at kinilatis ng mga estudyante, mga guro at mga magulang sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Ilang programa ng UNTV ang nakakuha ng Anak TV seal ngayong taon.
Kabilang na rito ang “Get it Straight with Daniel Razon”, “Good Morning Kuya”, “Itanong mo kay Soriano”, “KNC Show”, “Serbisyong Kasangbahay” at “Truth in Focus”.
Ayon kay Anak TV Inc. President Elvira Yap Go, mahalaga ang pagsasaalang-alang sa mga kabataan sa pagbuo ng konsepto ng mga programa.
Samantala, nag-perform naman sa event ang hosts ng UNTV Bible-based kiddie show na KNC Show ng ilang songs of hope para sa kinabukasan nilang mga kabataan.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )
Tags: Anak TV Seal, KNC Show, UNTV
RIZAL, Philippines – Napagbigyan sa ikatlong pagkakataon ang hiling ng isang warden na si Jail Inspector Joey Doguilles na magkaroon ng medical mission ang UNTV at Members Church of God International sa San Mateo Municipal Jail. Ito ay upang mabigyang lunas ang mga sakit na karaniwang iniinda ng mga nakapiit dito gaya ng ubo sipon, hypertension at mga sakit sa balat.
Ayon kay Jail Inspector Joey Doguilles, “I was so amazed na Ang Dating Daan, UNTV napakasipag ninyong lahat. Sa lahat siguro ng mga service provider, wala akong masasabi.”
Isa sa mga natulungan ay si Kuya Atom at Roland na nagpapasalamat dahil kahit wala ng dumadalaw sa iba nilang kasama, may nakakaalala pa rin sa kanilang sitwasyon sa piitan kahit hindi nila kamag anak.
“Malaking tulong po ito sa mga katulad naming PDL o Persons deprived of liberty. Karamihan po rito kasi walang dalaw, kaya itong ibinibigay ng mga service provider katulad ng Dating Daan. Sila na po yung gumagawa ng paraan para makatulong sa katulad naming kapos palad dito.” Ani Kuya Atom.
“Ano po, lahat po sila tuwang-tuwa, dahil po magkakaroon sila ng pagkakataon na maipakonsulta po yung kung ano man po yung nararamdaman nila.” Ayon naman kay kuya Ronald, isa sa mga Persons deprived of liberty.
Umabot sa mahigit tatlong-daan ang napaglingkuran sa iba’t ibang medical, dental services, optical services na may kasamang libreng salamin at mga laboratory tests gaya ng ECG at ultrasound.
“Maraming salamat po, unang-una sa Ang Dating Daan Foundation, at sa UNTV. Binigyan tayo ng pagkakataon na magkakaroon sila ng medical mission sa ating kulungan. Dito sa BJMP San Mateo Municipal Jail. Ito ay hindi lang una, kundi taon-taon po na nagka-conduct sila ng medical mission dito po sa kulungan na ito.” dagdag ni J/Insp. Joey Doguilles, Warden, San Mateo Jail.
(Jennica Cruz | UNTV News)
Tags: MCGI, medical mission, San Mateo Municipal Jail, UNTV
METRO MANILA, Philippines – Ginanap noong Biyernes ng gabi ang 1st Rotary Wheel Celebrity Award For Public Service sa Intramuros Maynila. Layon ng event na ito na kilalanin ang mga indibidwal at mga celebrity na nagbigay ng malaking ambag na serbisyo publiko sa kanilang mga larangan.
Kinilala bilang Best Television Channel For Public Service ang UNTV dahil sa mga programa nito na laging may kaakibat na serbisyo publiko na konsepto ng CEO at President ng UNTV na si “Kuya” Daniel Razon.
Pangunahin ring sumusuporta sa mga adbokasiya ng UNTV ang overall servant ng Members Church Of God International na si Bro Eli Soriano.
Isa sa mga konsepto ni Kuya Daniel ay ang “Tulong Muna Bago Balita”. Kung saan prayoridad ng UNTV correspondents na tumulong sa kapwa kaysa mauna sa balita. Kabilang naman sa programa na may kaakibat na pagtulong sa kapwa ay ang UNTV Cup na nakatapos na ng pitong season.
Ang mga kalahok sa Charity Basketball League ay pipili ng charity institutions kung saan dito mapupunta ang salaping kanilang mapapanalunan sa liga.
“Maraming maraming salamat, first and foremost, nagpapasalamat tayo sa Dios sa award na ito sa ngalan po ni Kuya Daniel Razon, maraming salamat at siyempre sa pangunahing tumutulong po ng lahat ng public service ng UNTV, Bro. Eli Soriano, maraming salamat po sa Dios. Tayo po ay nagbibigay ng genuine public service sa ating mga kababayan at bonus na po kung tayo ay nabibigyan ng award,” ani Ms. Annie Rentoy ang station manager ng Radyo La Verdad 1350 na siyang representative ni Kuya Daniel Razon sa pagtanggap ng award.
Ang Rotary Wheel Celebrity Awards ay proyekto ng Rotary Club Of Manila Fort Santiago sa pakikipagtulungan ng Aliw Awards Foundation Inc, The Filipino Academy Of Movie Arts And Sciences O FAMAS at Soroptimist International Las Pinas Central.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Best TV Channel For Public Service, Kuya Daniel Razon, Mr.Public Service Kuya Daniel Razon, Public Service Channel, UNTV
Mula Davao City ay lumuwas pa ng Maynila si Nanay Juliet upang gunitain ang pagkamatay ng kaniyang anak na si Jolito, isa sa mga editor ng UNTV Gensan na nasawi sa Maguindanao massacre.
At sa pag-ikot ni Nanay Juliet sa National Museum of Anthropology upang balikan ang kasaysayan ng bansa, hindi niya maiwasang balikan din ang ala-ala sa huling araw na nakita niya ang kaniyang anak.
Ngunit kinaumagahan, nagulat na lamang siya nang mabalitaang isa ang kaniyang anak sa 58 indibidwal na naging biktima ng pagpatay sa Maguindanao.
Kasama si Jolito sa mediamen na nagconvoy sa filing ng certificate of candidacy (COC) ng noo’y tumatakbong gobernador ng lalawigan na si Esmael “Toto” Mangudadatu.
Ayon sa abogado ng mga biktima na si Atty. Gilbert Andres, nakapagsumite na ng formal offer of evidence ang pangunahing akusado sa mga kaso na si Andal Ampatuan Jr.
Nakapaghain na rin ng oposisyon dito ang prosekusyon at hinihintay na lamang magiging desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.
Ngunit tila mailap pa rin umano ang hustisya dahil higit 70 pa sa 198 akusado ang hanggang sa ngayon ay nakalalaya pa rin. Umaasa rin ang Department of Justice na madedesisyonan na ang kaso sa susunod na taon.
Samantala, tiniyak naman ng Malacañang na mananaig pa rin ang hustisya at ang rule of law para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Iginiit din ng Duterte administration na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang mapabilis ang desisyon sa mga kaso.
Tapos na ang paglilitis ng Quezon City RTC sa mga kaso, pero wala pang itinakdang araw si Judge Jocelyn Solis-Reyes para sa pagbasa ng magiging sentensiya sa mga akusado.
Patuloy namang umaasa si Nanay Juliet na makakamit din nila ang hustisya.
Ganito rin ang dasal ni Erlyn Umpad, asawa ng nasawing cameraman ng UNTV na si Macmac Arriola.
“Habang buhay pa ako, ako ang makikipaglaban para makamtan namin iyong hustisya kasi gaano kahirap na mawalan ng ama, tapos makita mo iyong anak na lumalaki“. – pahayag ni Erlyn Umpad
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: Maguindanao, Maguindanao Massacre, UNTV