Mga produktong yari sa volcanic materials, patok na negosyo sa Albay

by Radyo La Verdad | February 21, 2018 (Wednesday) | 5368

Peligro sa buhay at mga kabuhayan ang bawat pagbuga ng mga bato at buhangin ng Mt. Mayon para sa mga residenteng nakatira sa paligid ng nito.

Ngunit  para kay Aling Josephine, mistulang black gold ang buhangin kanilang kinukuha sa mga quarrying site. Dahil maganda ang kalidad ng mga bato at buhangin ng Mayon, kumikita ang kanilang negosyo na gravel and sand ng singkwenta mil kada buwan at naipadadala pa sa ibang bansa.

Nakapagpundar na rin sila Aling Josephine ng 2 bahay, apat na trucks at mga sasakyan na ginagamit ng kanyang mga anak.

Iba naman ang diskarte ni Vicente Alejero o mas kilala sa tawag na “Enteng Bato” sa Daraga, Albay. Sa mahigit dalawampung taon, ang pag-uukit sa mga bato na ibinuga ng Bulkang Mayon ang kaniyang ikinabubuhay. Ang isang sculpture ay nagagawa niyang matapos sa loob ng isang linggo at maaari nang maibenta  ng halagang 10,000 hanggang 20,000 piso.

Kung si Aling Josephine at Mang Enteng ay kumikita sa mga volcanic materials, lalo naman  ang local na pamahalaan ng Albay. Bukod sa buwis ng mga negosyante, dinarayo rin ng mga turista ang lalawigan.

Dahil dito, mas lalong nakikilala ang Albay hindi lamang sa ganda ng Mayon, kundi maging sa mga produktong yari mismo sa biyaya ng bulkan.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,