Hindi man nagtagumpay noong ika-21 ng Setyembre ang CPP-NPA sa planong madugo sanang protesta na kahalintulad ng Plaza Miranda bombing noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, may Red October pa aniyang plano ang mga rebelde na inumpisahan noon pang Setyembre 2017 para mapatalsik sa pwesto ang Pangulo.
Ayon kay AFP Deputy Chief of Staff for Operations BGen. Antonio Parlade, ang senaryo ay base sa plano ng mga makakaliwang grupo ay manghikayat hindi lamang ng mga ordinaryong tao kundi pati ng mga kilalang miyembro ng oposisyon para sumali sa mga protestang kanilang ginagawa.
Sa kalagitnaan aniya ng programa, isasagawa ang pambobomba at titiyaking may oposisyong madadamay para ibintang sa administrasyon ang insidente.
Kung hindi aniya magtatagumpay ang Red October, may plano pa ang makakaliwang grupo sa Nobyembre na tinatawag na “ Lakbay Lumad Europe” at sa Disyembre kung saan gugunitain ang “50th Anniversary “ ng Communist Party.
Iginiit ni Parlede na hindi psywar ang paglalabas nila ng mga plano ng CPP-NPA dahil nakasaad ito mismo sa mga computers na nakumpiska nila sa kuta ng rebelde sa Mindanao.
Nakasaad din aniya dito ang pangalan ng mga prominenteng indibidwal at pulitiko na supporters ng grupo na plano nilang sampahan ng kaso.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: CPP-NPA, militar, Pangulong Duterte