Mga Pinoy galing China na naka-quarantine sa New Clark City, palalabasin na sa Sabado

by Erika Endraca | February 20, 2020 (Thursday) | 1465

METRO MANILA – Matatapos na sa Sabado, February 22 ang 14 day quarantine period ng mga repatriates mula sa Wuhan City, Hubei, China na nasa New Clark City, Tarlac. Kaya ayon sa Departmemt Of Health (DOH) ay makakauwi na rin sila sa Sabado.

Dinala man sa ospital ang ilan sa kanila, kasama ang isang buntis na tumaas ang presyon , wala naman sa kanila ang nag-positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID- 19).

“They would already be brought home to their respective provinces kung saan of them have signified na susunduin sila ng kamag- anak nila at iyong iba naman ay ihahatid naman ng gobyerno.” ani DOH Public Health Service Team, Asec. Maria Rosario Vergeire.

Samantala, batay sa ulat ng DOH kahapon (Feb. 19), nadagdan ng 12 ang Patients Under Investigation (PUI) sa bansa dahil sa COVID-19.

Sa ngayon umabot na 539 ang suspected coronavirus cases sa Pilipinas. Pero  453 sa mga ito ang nag- negatibo na sa COVID- 19, hinihintay naman ng DOH ang resulta ng pagsusuri sa 28 iba pa.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: