METRO MANILA, Philippines – Malungkot at nanlulumo ang ilang tindera sa Ylaya Street sa Divisoria kaninang umaga, Nov. 11, dahil hindi na muna sila pinapayagang makapaglatag ng kanilang mga paninda sa pwesto na ibinigay sa kanila ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.
Hindi maipinta ang mukha ng Alkalde sa pagkadismaya dahil sya pa ang nasurpresa nang mag-surprise inspection ito sa lugar kaninang pasado ala-singko ng umaga dahil sa tambak at halos gabundok na basura.
Depensa ng mga tindera, hindi naman sa kanila galing ang mga basurang ‘yun kundi sa mga nagtitinda na pang-gabi. Palagi naman daw silang naglilinis sa kanilang pwesto tuwing umaga.
“Yung basura po, ikinagalit nyo po sa pang-gabi po yun,” ayon kay Siony Isidro isang vendor.
Si Aling Rose Barado na labing limang taon ng nagtitinda sa Ylaya, aabot umano sa sampung libong piso na halaga ng souvenir items ang nakumpiska sa kaniya kanina.
“Kagaya nyan yung mga paninda namin nakuha paano na kami ngayon, wala na po kami pagkakakitaan sana sinabi po sa amin na magki-clearing para ‘di nasakay sa truck,” ani Rose Barado, vendor.
Si Roan Edquila na sa Divisoria lumaki sa pagtitinda ay aabot sa walong libo na halaga ng panindang mga kurtina, tubig kasama ang latagan nya na bakal ang kinumpiska.
“Mayor sana ibalik nyo na yung banggit dito sa Ylaya. Dito lang po kami nabubuhay,” ani Democrito Bangerigan, Jr., vendor.
“Syempre namumuhunan, nababaon sa utang, ito lang po pinagkukunan namin ng pang araw-araw na gastos. Tuwing ganito nililinis naman po namin basura namin. “Di naman po kasalanang ng lahat ng mga vendor yun,” ayon kay Roan Edquila, vendor.
Nanawagan din ang mga ito sa kanilang kapwa tindera na pang-gabi na sumunod sa pagpapanatili sa kalinisan para hindi sila nadadamay.
Samantala nilinaw din ng Alkalde na mali ang napababalitang pinapayagan ng bumalik ang mga nagtitinda sa kalsada sa Divisoria.
Ayon sa Alkalde, kagagawan ng mga tinatawag na organizer ang pagpapakalat ng balita na ito upang makapangikil muli sa mga tindera.
Babala ng Alkalde, huwag maniniwala sa mga ito at tanging bente pesos lamang sa araw at bente pesos lang sa gabi ang sinisingil ng lokal na pamahalaan sa mga pinapayagang pwesto.
(Bernard Dadis | UNTV News)
Tags: Divisoria, Mayor Isko Moreno Domagoso, Yorme