Mga Pilipinong walang trabaho sa 3rd quarter ng 2018, umakyat sa 9.8 milyon – SWS survey

by Radyo La Verdad | November 12, 2018 (Monday) | 14222

Tumaas ng 22 percent o katumbas ng 9.8 milyong mga Pilipino ang walang trabaho sa ikatlong quarter ng 2018. Batay ito sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ang bilang na ito, mas mataas ng 2.3 points sa June 2018 survey. Sa 9.8 million jobless adults, 4.1 ang na re-trenched o naalis sa trabaho dahil sa recession o cost cutting ng isang kumpanya.

3.7 million naman ang umalis ng boluntaryo sa kanilang trabaho samantalang dalawang milyon naman ang first-time job seekers. Pinakamataas ang joblessness sa Metro Manila, sumunod ang Balance Luzon, Mindanao at Visayas.

Samantala, bumaba naman ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing mas dadami ang trabaho sa Pilipinas sa susunod na 12 buwan.

Ayon naman sa Malacañang, sineseryoso nila ang resulta ng SWS survey hinggil sa pagdami ng walang trabaho sa Pilipinas at patuloy na gumagawa ng aksyon upang solusyunan ang suliraning ito.

Naniniwala rin ang palasyo na sa ilalim ng pamumuno ni TESDA Director General Isidro Lapeña, mas mapapaigting ang pagkakaroon ng work experience ng mga kabataan sa pamamagitan ng skills training.

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,